JPEPA: DISKRIMINASYON LABAN SA FILIPINO NURSESBy Rhodora Abano Ang Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA) ay malaking disbentahe sa Pilipinas kung ang kaso ng ating nurses na gustong mag-overseas Filipino workers (OFW) ang pag-uusapan. Napakahirap tuparin ng mga nag-aasam maging nurse sa Japan ng mga rekisito sa ilalim ng JPEPA. Ang magtutungo roon na trainees o nursing aides ay sasailalim sa sobrang language at training requirements na isang diskriminasyon laban sa educational and professional qualifications at work experience nila samantalang kinikilala silang kabilang sa pinakamahuhusay na nurses sa buong mundo. Ang tanong nga ni Dr. Paquiz, Pangulo ng Philippine Nursing Association (PNA) kay Health Secretary Dr. Duque ay "Gusto nyo ba na pumunta kami ng Japan bilang trainees o nursing aides sa halip na professional nurses?" Dagdag dito, ang binanggit sa kasunduan ay sasagutin ng pamahalaang Hapon ang gastos para sa Nihongo training sa loob ng unang anim na buwan lamang at walang pagbanggit na sasagutin nito ang OJT training fee sa ospital. Nakakapanglumo na mas maige pa ang agreement na pinirmahan ng Japan at Indonesia para sa Indonesian nurses na mas mababa ang educational at professional qualifications kaysa ating nurses. Ang ating nurses ay kailangang mayroong tatlong taong work experience, apat na taong nursing education at pasado sa national licensure exam. Samantala, ang Indonesian nurses ay kailangan lamang magkaroon ng dalawang taong work experience, tatlong taong nursing education at ni hindi kailangang pasado sa national licensure exam. Makakapagpatuloy rin lang ang ating nurses roon maghanapbuhay bilang nurse kung sa loob ng tatlong taon ay maipasa nila ang Board Examination ng Japan sa Nihongo. Samantala, sa ilalim ng kasalukuyang Immigration Act ng Japan, ang mga Filipino IT professionals ay kinikilalang professionals kung maipasa nila ang Fundamental Information Technology Engineer Examination sa Ingles. Sa ilalim ng batas na ito rin, sila ay pinapayagang mag -apply para sa working visa samantalang ang mga nurse sa ilalim ng JPEPA ay maari lamang bigyan ng special activity visa. Mas mahalaga pa, ang programang ito ay hindi nalalayo sa trainee system na pinatutupad ng Japan at nagreresulta at magreresulta sa diskriminasyon laban at pagsasamantala sa ating mga migranteng manggagawa. Bilang trainee o nursing aide, ang ating nurses ay tatanggap lamang ng allowance na di lalampas sa panimulang sahod na $1,364 bawat buwan na tinatanggap ng Japanese nurse aide at lalong di aabot sa $1,987 na siyang tinatanggap ng Japanese nurse. Samantala, ngayon pa lang ay maraming mga nurse ng Japan kasama ang Japanese Nursing Association ang nagsasabing hindi dapat pumunta ang mga Pilipino doon bilang trainees sapagkat sa katotohanan sila ay magiging katumbas ng "cheap nurses" na babangga sa kanilang paghikayat sa 550,000 Japanese nurses na isapraktika ang kanilang propesyon. Tinitingnan nila ang pagpasok ng Pilipino doon bilang nursing aides ay magpapa-atras kundi man magpapasawalang kabuluhan ng kanilang mga pakikibaka para sa mas mataas na sweldo, mas magagandang benepisyo, mas mahusay na kondisyon sa paggawa at mas mataas na pagkilala sa kanilang propesyon. Sapagkat mababawasan ang pangangailangan sa kanila ng kanilang sector pangkalusugan. Kahimat may binabanggit ang DOLE na mayroong Memo na siyang sasagot sa mga sinaad na agam-agam at magpapabuti ng JPEPA, ang tanong ay bakit hindi ipinaloob ang mga ganitong kaayusan sa loob ng kasunduan o kaya ay bilang annex bago pa man ito pinirmahan? Bakit hindi nilagay ng pamahalaan ang magagandang probisyon ng sistema ng pagpapadala ng nurse sa Britanya halimbawa? Anong klaseng pamahalaan meron tayo na magsasabing asahan natin ang komitment at pangako ng Japan na tatratuhin sila bilang professional nurse? "Hope is not a strategy" ayon sa Magkaisa Junk JPEPA Coalition. Paanong aasa tayo sa komitment o mga pangako ng Japan na di mo siya kakitaan ng historical na kakayahang tuparin ang kanyang mga komitment at pangako halimbawa sa usapin ng comfort women? Bakit tayo nagmamadaling ipasa itong JPEPA samantalang apat na raang (400) nurses at anim na raang (600) caregivers lang ang papayagang pumasok sa Japan sa susunod na dalawang taon? Laluna’t nagrekomenda na ang Expert Committee for Labor Market Reform ng Japan na makabubuting tumanggap ng foreign nurses, caregivers at domestic workers batay sa simpleng katotohanang kulang ang kanilang health workers upang pangalagaan ang kanyang tumatandang lipunan (ageing society). Laluna’t maraming Japanese nurses ay umiiwas sa ganitong hanap-buhay na di mahusay ang kondisyong paggawa? Ang sistema sa ilalim ng JPEPA ay di umaabot sa mga legal na standard para sa pagsusulong ng mga karapatan ng manggagawang migrante na nakapaloob sa International Convention of the Rights of All Migrant Workers and Members of Their Families gayundin ng Section 4 ng Republic Act No. 8042. (Itong nahuli, ang Migrant Workers' Act of 1995, ang nagsasaad ng criteria kung saang mga bansa maaring magpadala ng manggagawa ang Pilipinas.) Dagdag pa, hindi nagsusulong ng karapatan ng mga Pilipino sa pag-unlad (right to development) ang JPEPA. Ang paghahanapbuhay sa ibang bansa ay dapat na batay sa sariling desisyon ng manggagawa - desisyong dapat na nakaangkla sa sapat na kaalaman - o informed free choice. Halimbawa ay matutukso ang ating mga nurse na humayo sa Japan kahit bilang trainee o nursing aide o kahit bilang caregiver sapagkat allowance man ang tanggapin nila ay mataas pa rin ito kaysa maari nilang tanggapin dito sa Pilipinas bilang nurse. Dapat nilang malaman na ang average cost of living doon ay $851 kada buwan at aabot ng $1000 kung sa Tokyo kayat ang maaring maipadala nila sa kanilang mga pamilyang maiiwan sa Pilipinas ay singbaba ng remittance ng domestic worker na karaniwan naman ay mayroong free room at board. Maari lang makamit ang right to development kung ang karapatang pag-unlad sa loob ng bansang Pilipinas ay nasasagot kasabay ng pangangalaga at pagsusulong ng mga karapatan at kapakanan ng mga migranteng manggagawa at kanilang mga pamilya. Ang pagsusulong ng paghahanapbuhay sa labas ng bansa nang walang kaalinsabay na pangangalaga ng mga karapatan ng manggagawang migrante batay sa international law at standards at pagsusulong ng karapatan ng mamamayang Pilipino sa sariling pag-unlad ay di magdudulot ng pakinabang sa mga mamamayan. Walang dudang ang brain drain, laluna sa sektor pangkalusugan, ay disbentahe sa Pilipinas kung ang karapatan sa pag-unlad ay di sinasagot. Mas maige pa ang Japanese Nursing Association na nagpahayag ng agam-agam sa maaring epekto ng JPEPA sa sector pangkalusugan ng Pilipinas. Subalit di nakapagtatakang nagmamadali ang ating pamahalaang suungin ang disbentaheng ito sapagkat ang estratehiya nito ay i-export ang ating mga nurse kahit bilang trainees, nursing aides o caregiver. Sapagkat bigo ang pamahalaan at wala siyang matino at realistikong planong ayusin ang pagpapa-unlad ng ating sektor pangkalusugan nang makapaghanapbuhay ang mga nurse nang sapat. Kaya nga ba't hinahayaang magsipagtayuan ang mga nursing school na parang kabute kahit pa man parang mga diploma mill ang mga ito na kulang sa kalidad ang mga graduates at kahit sobra-sobra na ang ating nursing graduates na pagkuwa’y walang makuhang disenteng trabaho. Sa ganitong konteksto, ang JPEPA sa kanyang kasalukuyang anyo ay di makakatulong sa pangangalaga at pagsusulong ng mga karapatan ng migranteng manggagawang Pilipino. Di rin nito isusulong ang karapatan sa pag-unlad ng mamamayan. Sa mga kadahilanang ito, nakiki-isa ang Center for Migrants Advocacy Philippines sa pananawagan ng Magkaisa Junk JPEPA Coalition na "Ibasura ang JPEPA!" sa halip ay muling makipag-bilateral talks ang pamahalaan ng Pilipinas sa pamahalaan ng Japan upang magkaroon ng progresibong bilateral labor agreement na gumagalang, nagtatanggol at nagsusulong ng mga karapatan at kapakanan ng manggagawang migranteng Pilipino gayundin ng manggagawang Hapones at pantay na pakikinabangan ng dalawang bansa. References: |
| CENTER
FOR MIGRANT ADVOCACY-PHILIPPINES, INC. Copyright 2008 Center for Migrant Advocacy. All rights reserved. |